Ito na marahil ang kauna-unahan kong post na nakasalin sa wikang Pilipino sa blog na ito. Ito’y bahagi sa aking taus-pusong pagsuporta sa kilos na ito laban sa kahirapan o kasadlakan.
Sinasabing karamihan ng mga Pilipino ngayon ay nasasadlak sa kahirapan dahil na rin sa nangyayaring krisis ekonomiya ng mundo. Dahil na rin sa pangungurakot ng iilan, tila naipagkakait sa kanila ang kagandahan ng buhay at ang pag-asa ng pag-asenso. Marami sa ating mga Pilipino ang hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw dahil na rin sa mahal na presyo ng bilihin at pati na rin sa pang-gatong o gas.
Ang kahirapan ay isang malalim na konteksto. Hindi lang ito kasalatan sa materyal na bagay, kundi pati na rin sa kakulangan sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao na halos nilalabag sa ating bansa araw araw. Kung ipinagkait mo na rin ito, para na rin itong pagpapabusabos sa mga taong nangangailangan ng wastong pamumuhay.
Ang kahirapan ay hindi ganoon kadaling sugpuin. Dahil ito mismo ay nakaugat na sa atin, sa ating kamalayan, sa ating lipunan. Ang pagsugpo sa kahirapan ay hindi lang sa pamimigay ng salapi sa mga namumulubi, kundi bigyan sila ng masaganang pamumuhay sa pisikal, materyal, ispiritwal at natatamasa ang karapatang pantao. Ang isang lipunan ay nawawala sa mga kadena ng kahirapan kung ito’y ating babaguhin mula sa ating sarili at silyaban muli ang diwa ng bayanihan sa isa’t isa.
Magkaisa tayo laban sa kahirapan. Tulad ng isang komyuter na kailangang bagtasin ang peligrosong daan, kailangan natin itong harapin upang makamtan na natin ang totoong kaunlaran na gustong matamasa ng bawat Pilipino.




















0 Responses
Stay in touch with the conversation, subscribe to the RSS feed for comments on this post.